Tiniyak ng isang opisyal ng International Criminal Court (ICC) na sa oras na mailipat sa ICC ang kustodiya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, agad silang magtatakda ng pagdinig sa kanyang kasong crimes against humanity.

Sinabi ni ICC spokesperson Fadi El Abdallah na agad silang magtatakda ng schedule para sa initial court appearance ni Duterte sa pagdating niya sa kanilang detention facility sa Scheveningen, The Hague ngayong Miyerkules, Marso 12.

Tiniyak din ni Abdallah na maglalabas sila ng update tungkol sa kalagayan ni Duterte habang nasa kustodiya ng ICC authorities.

Inaresto si Duterte ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa kanyang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong Martes mula Hong Kong base sa arrest warrant na inilabas ng ICC.

Agad na inilipat ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na pinamumunuan ni Maj. Gen. Nicolas Torre III, sa International Criminal Police Organization (Interpol) si Duterte. At matapos ang mahabang oras na pagtatalo sa mga awtoridad, isinakay si Duterte sa Gulfstream G55 learjet na nag-take off sa Villamor Air Base alas-11:03 ng gabi.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *