Naniniwala si former senator Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV na magiging makabuluhan ang inaasahang pagkakakulong ni dating pangulong Rodrigo Duterte kung gagamitin ito sa pagninilay-nilay dahil “kailangan niyang i-purify ‘yung kanyang kaluluwa bago magtapos ‘yung lahat.”

“Kailangan tanggapin na niya [ex-president Rodrigo Duterte] ‘yan. Magkaroon siya ng panahon para magnilay-nilay, at kumbaga, ito ‘yung time na kailangan niyang i-purify ‘yung kanyang kaluluwa bago magtapos ‘yung lahat, kasi ganoon na po ‘yung ending nito, eh,” ani Trillanes.

Ayon kay Trillanes, ang pagkakaaresto kay Duterte ngayong Martes, Marso 11, sa bisa ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC), ang unang hakbang sa pagkakaloob ng hustisya para sa libu-libong nasawi sa pagpapatupad ng war on drugs sa Duterte administration.

“Ito ay mahabang biyahe tungo sa araw na ito na actually ay unang hakbang palang tungo sa pagkamit ng hustisya para doon sa libu-libong napatay noong panahon ng Duterte administration,” sinabi ni Trillanes nang makapanayam sa Radyo 630 ngayong Martes.

Pinuri rin niya ang Philippine National Police (PNP) sa pagkakadakip kay Duterte mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, sinabing dahil sa nangyari ay “nakabawi” ang reputasyon ng pulisya, na pangunahing nagpatupad ng war on drugs ng dating presidente.

“Magaling po, magaling po ang ating mga kapulisan. My hats off to (PNP Chief) General (Rommel) Marbil at General (Nicolas) Torre dahil talaga pong nagkaroon ng redemption,” ani Trillanes.

“Nakabawi po ang reputasyon ng kapulisan dahil sa pangyayaring ito, dahil alam n’yo naman, sila ‘yung naging kasangkapan noong panahon ni Duterte. Not the same policemen at hindi naman lahat ganun, pero still, nakabawi,” dagdag ng dating senador.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *