Nanawagan si Senate Majority Leader Francis Tolentino sa mga kababayang Pilipino na bisitahin ang lalawigan ng Palawan at ipakita sa buong mundo, sa pamamagitan ng social media, ang natural nitong kagandahan.
“I urge our kababayans, those who have the means, to visit Palawan, and to post about how beautiful it is. More visitors means more income for its local economy and tourism,” panghihikayat ni Sen. Tolentino.
Paliwanag ng abogadong senador, ang pagpapakita ng tunay na ganda ng Palawan ay makakatulong upang kontrahin ang maling impormasyon na kumakalat sa isang Chinese social media platform tungkol sa kasaysayan ng isla.
Binanggit ni Sen. Tolentino na sakop ng Palawan ang munisipalidad ng Kalayaan, ang pinakamalaking isla sa Kalayaan Island Group (KIG), kung saan madalas na may presensya ng Chinese Coast Guard (CCG) at militia vessels.
“Palawan has always been, and will continue to be part of the Philippines,” pagbibigay-diin ni Sen. Tolentino.
Si Sen. Tolentino ang pangunahing may-akda ng makasaysaysang PH Maritime Zones Act (Republic Act 12064), batas na nagpapatibay sa teritoryal na integridad ng Pilipinas at naggiit sa ating mga karapatan sa West Philippine Sea, alinsunod sa pandaigdigang batas.
Ulat ni Julian Bartolome