Sa online press conference ng Kamara de Representantes ngayong Biyernes, Marso 7, pinaboran ni Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun ang pag-kontra ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro kay Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na nagsabing mas mataas ang crime rates sa bansa sa administrasyon ni President Ferdinand R. Marcos Jr. kumpara sa administrasyon ng ama niya na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, tama ang PCO Usec. na mas mataas ang crime rate noong panahon ng dating Pangulo dahil naitala umano na mas maraming krimen sa bansa noong panahon ni dating Pangulong Duterte kumpara sa panahon ni President Marcos.
Hiniling naman ni Khonghun na mag-fact check muna umano ang alkalde ng Davao City bago siya “magpakalat” ng maling impormasyon.
Samantala, kinumpirma naman ng Philippine National Police (PNP) na mas maraming naitalang krimen noong panahon ni dating Pangulong Duterte dahil, ayon sa kanilang datos, nasa mahigit 200,000 krimen ang naitala sa unang dalawang taon ng administrasyon ng dating Pangulo.
Ulat ni Ansherina Baes