Nag-iwan ng komento ang labor leader na si Leodegario “Ka Leody” de Guzman nitong Miyerkules, Marso 5, sa post ng Facebook page na The World Tonight noong Oktubre 2024 tungkol sa pag-file ng certificate of candidacy (COC) ni Las Piñas Rep. Camille Villar, anak ni Sen. Cynthia Villar at kapatid ni Sen. Mark Villar.
“Kahit walang ‘enabling law’… dapat inaawat ng mga pulitiko ang pagtakbo ng kanilang mga kamag-anak. Ang tawag duon ay hindi lang sentido komon kundi DELICADEZA,” komento ni Guzman.
Aniya, nakasaad sa Article 2 Section 26 ng 1987 Constitution na: “The State shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law.”
“Ang problema sa mga mambabatas, gaya ni Cynthia Villar, tiningnan ang butas para makalusot sa teknikalidad. Gayong malinaw ang intensyon ng batas,” idinagdag ni Ka Leody.
Ayon sa kaniya, kahit na walang batas na pumapayag dito ay dapat pigilan ng mga politiko ang pagpasok ng kanilang kamag-anak dahil ito umano ay hindi lang “sentido komon” kundi “delicadeza.”
Tumatakbo si de Guzman sa pagkasenador sa darating na May 12 midterm elections sa ilalim ng Partiko Lakas ng Masa.
Ulat ni Ansherina Baes