Sa ginanap na pulong balitaan sa Malacañang ngayong Lunes, Marso 3, sinabi ni Malacañang Press Officer Atty. Claire Castro na walang maibibigay na reaksiyon si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa naganap na mainitang pagpupulong sa pagitan nina US President Donald Trump at Ukrainian President Volodymyr Zelensky na naganap sa White House kamakailan.

“Sa ngayon po ay walang reaksiyon ang Pangulo, ang Palasyo. Mas mabuti po kung ating alamin ito sa ating DFA Secretary Enrique Manalo,” pahayag ni Castro.

Ang naganap na mainitang pagtatalo nina Trump at Zelensky ang pinakaunang isyu na tinanong ng Malacañang Press Corps kay Castro upang kunin ang reaksiyon ni PBBM sa insidente subalit ito ay tumangging magbigay ng komento sa isyu.

Naging viral sa social media ang naganap na sagutan nina Trump at Zelensky kung saan nakisawsaw rin si US Vice President JD Vance habang ipinipilit ng dalawang US officials ang Ukrainian president na lumagda sa ceasefire agreement.

At nang tumanggi si Zelensky sa truce agreement, isinumbat nina Trump at Vance ang ibinigay na military assistance sa Ukraine sa pakikipaglaban nila sa Russia.

Hindi pa rin nagpatinag ang isang mamamahayag sa Trump-Zelensky row na tinanong naman kay Castro kung hindi nito maaapektuhan ang ibinibigay na tulong ng Estados Unidos sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan sa West Philippine Sea kung saan walang tigil ang panghihimasok ng mga barko ng China.

“Mas maganda po sana ay ganun ang mangyari,” giit ni Atty. Claire.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *