Sa ginanap na press conference ng House of Representatives ngayong Lunes, Marso 3, ibinalik ni La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V ang komento ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte tungkol sa impeachment ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.
“Likewise. Distraction din yung ginagawa nila. Kasi nga hindi pa rin nila nasasagot si Mary Grace Piattos so hanap-hanap distraction, hanap-hanap diversion para hindi mapag-usapan,” saad ni Ortega.
Ayon sa alkalde ng Davao City, isa lamang umanong distraction o diversion ang impeachment ng kaniyang kapatid upang maiwasan na pagusapan ang umano’y blangkong items sa 2025 General Appropriations Act (GAA).
Sinagot naman ito ni Ortega at sinabing ganun din mismo ang ginagawa ng kampo ng mga Duterte upang maiwasan na mapagusapan ang tungkol kay “Mary Grace Piattos.”
Kilala ang pangalang “Mary Grace Piattos” bilang isa sa mga umano’y pekeng pangalan sa nakatanggap ng confidential funds mula kay VP Sara.
Ulat ni Ansherina Baes