Pinabulaanan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) nitong Biyernes, Pebrero 28, ang mga pahayag ng Chinese social media platforms na pagmamay-ari umano ng China ang isla ng Palawan noon.
Inihayag ng NHCP na mayroong umiiral na post sa mga Chinese social media platforms na sinasabing dating pagmamay-ari ng China ang Palawan Island bago ito inangkin ng Pilipinas.
Sa naturang post, ang dating pangalan umano ng Palawan Island ay “Zheng He Island,” na base sa sikat na Chinese explorer at seafarer na naglakbay umano sa mga dagat at karagatan ng Asya mula 1300s hanggang 1400s.
Kinontra ng NHCP ang mga katagang ito at sinabing walang nai-record na Chinese settlements na makikita sa mga available na dokumento noong 1521, ni Antonio Pigafetta, na naging bahagi ng ekspedisyon ng Magellan, at sa kauna-unahang circumnavigation ng mundo.
“The head of the expedition had, in fact, made a blood compact with the chief of the community that the NHCP recognized to be in the present day Sitio Tagusao, Brooke’s Point, Palawan,” paliwanag pa ng NHCP.
Saad pa ng NHCP na makikita sa mga historical maps mula sa iba’t ibang European cartographers noong 1500s hanggang 1800s na kinilala na ang pagsama ng Palawan Island sa kapuluan ng Pilipinas na pinangasiwaan ng Sultanate ng Sulu at ng Spanish Captain-Generalcy ng Pilipinas.
Muling ipinaalala ng NHCP ang patakaran ng pamahalaan ng Pilipinas na hindi nito isusuko ang soberanya sa kahit anumang teritoryo ng bansa at sinabing: “Palawan is and will always be Filipino”.
Ulat ni Jilliane Libunao