Walang balak na mamagitan si Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero sa tumitinding alitan nila Senators Nancy Binay at Alan Peter Cayetano hinggil sa isinasagawang pagsilip ng Senate Committee on Accounts sa lumolobog gastusin sa New Senate Building na hindi bababa sa P20 bilyon.

Sa panayam ng media ngayong Martes, Hulyo 9, sinabi ni Escudero na itinuturing niya sina Senators Nancy Binay at Alan Peter Cayetano bilang mga “beteranong” na batid na kung ano ang tama at mali sa kanilang mga inaasal sa Senado.

Si Cayetano ay halos 15 taon nang naninilbihan bilang senador habang si Binay ay halos 12 taon na rin bilang miyembro ng Mataas ng Kapulungan.

Ang panawagan ni Escudero sa dalawang nagkakainitang senador sa pagpapatuloy ng talakayan ng Senate Committee on Accounts na itinakda bukas, Hulyo 10: Kalma lang kayo!