Itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si retired Marikina Regional Trial Court (RTC) judge at dating pangulo ng Philippine Judges Association na si Felix Reyes bilang bagong chairman ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Pinangunahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang oath taking ceremony para kay Reyes na dating nagsilbi bilang miyembro ng PCSO Board of Directors noong Nobyembre 2022.

Bilang chairman ng PCSO, pangungunahan ni Reyes ang paghahanap ng pondo para sa pangunahing charity agency ng gobyerno upang may maitustos sa pangangailangan sa kalusugan, medical assistance at iba pang serbisyo ng mga maralitang Pinoy.

Si Reyes, 63-anyos, ay dating naupo bilang presiding judge ng Makati RTC simula 2006 hanggang 2021; acting presiding ng Taguig City Branch 70 simula 2017 hanggang 2019; Lipa City RTC simula Pebrero 2011 hanggang Setyembre 2021; at Calamba City RTC simula 2011 hanggang 2013.