Tanging si dating Pangulong Rodrigo Duterte lamang umano ang makasasagot kung totoo ang ulat na pumasok ito sa isang sekretong kasunduan sa China kaugnay ng dalas ng resupply mission sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal.
“So maganda po siguro, the former president will answer that kung meron bang kasunduan. Kasi I believe before, previously, sinasabi nila wala, dineny nila ‘yung sa Ayungin Shoal na yan,” ayon kay House Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo.
Sa press conference sa Kamara, natanong si House Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo kaugnay ng ulat na nangako umano ang administrasyong Duterte na hindi na susuportahan ang BRP Sierra Madre.
“Siguro po ang right person na sasagot ho diyan ay ang dating pangulo. Kasi hindi naman ho ako, kami, privy, maging ang administrasyon po na ito,” ani Tulfo.
Ayon sa ulat, isang diplomat ng China ang source ng impormasyon.
Batay sa ulat, ang nais ng China ay huwag magpadala ang Pilipinas ang mga materyales upang mapalakas o mapagtibay ang Sierra Madre, ang barko na sinadyang pinasadsad sa Ayungin Shoal upang maging kampo ng mga sundalo.