Nakikipag-ugnayan na ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa Commission on Elections (Comelec) sa mga paghahanda hinggil sa gaganaping barangay elecions sa Oktubre 30 sa 10 “Embo” areas na kinikilala ng DILG na bahagi ng Taguig City, at hindi ng Makati.
Sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos na dapat tanggapin ng mga opisyal at residente ng Makati City ang desisyon ng Korte Suprema noong Setyembre 2022 na ang 10 “Embo” barangays ay sa ilalim ng hurisdiksiyon ng Taguig City.
Nitong Mayo 3, 2023, sumulat ang pamunuan ng DILG sa Supreme Court upang humingi ng paglilinaw sa pagpapatupad ng decision nito hinggil sa paglilipat ng 10 “Embo” barangays sa hurisdiksiyon ng Taguig City mula sa Makati.
Habang hinihintay ang tugon ng Kataas-taasang Hukuman, sinabi ni Abalos na bumuo na siya ng transition team upang ipatupad ang pagsasalin ng teritoryo ng 10 lugar na karamihan ay dating nasasakupan ng Makati government.
“COMELEC Chairman George Garcia and I agree that it’s imperative to take action because there’s not much time left before the elections. We respect the Supreme Court’s definition of the cities’ territorial boundaries and are coordinating accordingly.” giit ni Abalos.
Inatasan na rin ni Abalos ang mga hepe ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penlogoy (BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP) dahil sa mga pagbabago sa area of responsibility ng kani-kanilang tanggapan sa mga apektadong barangay.
“As for specific rights or obligations over affected property, these will be dealt with in accordance with the procedure provided by law. We will also respect any further court orders in this regard,” ayon sa kalihim.