Sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag ngayong Biyernes, Hunyo 5 na nakakuha ang NBI Cybercrime Division ng impormasyon na may second batch ng mga diumano’y dating sundalo ng Philippine Marines na tetestigo upang idiin ang ilang opisyal ng gobyerno sa flood control project scam.

“Na-monitor ng CCD (Cybercrime Division) namin na mukha talagang nagpa-paatasan na ng presyo,” pahayag ni Matibag.

Tulad ng ginawa diumano sa unang batch ng 18 nagpakilalang mga dating sundalo, sinabi ni Matibag na sinusuhulan diumano ng isang grupo ang bagong grupo ng mga testigo ng malaking halaga ng salapi.

Noong Huwebes, sinabi ni Matibag na mayroon silang nakalap na impormasyon na binigyan ng tig-P5 milyon ang 18 diumano’y former Marine soldiers para magbigay ng testimonya sa ginanap na Senate Blue Ribbon Committee na pinangunahan ng grupo ni Senators Alan Peter Cayetano at Rodante Marcoleta kahapon.

Ito ay sa kabila na hindi kinikilala ng new Senate majority bloc na pinangungunahan ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian ang ginanap na Blue Ribbon Committee hearing dahil wala itong official record sa Senado na naka-session adjourned sine die nang gawin ang pagdinig.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *