Ibinunyag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na patuloy ang kanilang komunikasyon ni Sen. Jinggoy Estrada tungkol sa kinahaharap nitong kasong plunder at graft sa Sandiganbayan.

“Ang concern niya ay ‘yung tuhod niya na kailang ng replacement surgery,” pahayag ni Remulla.

Sa panayam ng media ngayong Biyernes, Mayo 29, sinabi ni Remulla na nababahala si Sen. Jinggoy sa lagay ng kanyang tuhod na, aniya, ay kailangan isailalim sa operasyon.

“Ang sabi ko hindi na namin linya ‘yan. Sabi ko sa kanya that’s beyond our jurisdiction,” kuwento ni Remulla.

Ito ay matapos isyuhan ng Sandiganbayan Second Division ng warrant of arrest si Sen. Jinggoy kaugnay sa kasong plunder at graft na nag-ugat sa umano’y kanyang pagtanggap ng kickback mula sa multi-bilyong pisong flood control project scam.

Kabilang sa mga pinaaresto ng anti-graft court ay si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan at dalawang opisyal ng DPWH-National Capital Region District Office.