Kinuwestyon ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang mga kontrapelong pahayag ni Sen. Robinhood Padilla tungkol sa pagbibigay ng proteksyon ng Senado sa mga mambabatas na nahaharap sa nakaambang pag-aresto.
“Nakita natin ang mga namutawi sa bibig ni Sen. Robin Padilla at the time na siya ay ordinaryong citizen, na kapag may warrant of arrest ay dapat nang sumuko. Pero bakit hindi natin nadidinig mismo ang ganoong salita patungkol sa kanyang kaalyado na si Sen. Bato Dela Rosa?” sabi ni Castro.
Kaugnay ito sa tangkang pag-aresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) batay sa isang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
“Mayroon bang ibang pagtingin, may ibang tinitignan, at mayroong tinitignan lamang?” saad ni Castro sa isang press briefing ngayong Lunes, Mayo 18.
“Kung sino ang dapat managot dito, kung mayroong pagkukulang at lumabag sa batas, mayroong tumatakas, at may nagpapatakas, ay dapat lang din tayong mga Pilipino na maging mapanuri sa mga nagiging aksyon ng ating mga public servants,” dagdag niya.
Ulat ni Julian Katrina Bartolome
