Tahasang sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na posibleng may pananagutan ang liderato ng Senado sa diumano’y pagtakas ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa matapos itong ilagay sa protective custody ng Mataas na Kapulungan.
“As a lawyer, kapag sinabi namin na ‘yung naka-protective custody mo, ibig sabihin ikaw ang responsable na inilabas mo ‘yung taong naka-custody sa iyo,” pahayag ni Matibag.
Sa ginanap na press conference sa Malacanang ngayong Huwebes, Mayo 14, tumanggi namang pangunahan ni Matibag kung ano ang mga kasong posibleng kaharapin ng mga senador na responsible sa pagtakas ni Sen. Bato dahil nangangalap pa ng ebidensiya ang mga awtoridad tungkol dito.
Binigyang diin din ng NBI chief na bineberipika pa rin ng kanyang mga tauhan ang impormasyon na umiskiyerda na si Sen. Bato mula sa Senado dakong alas-2:30 ng madaling araw.
