Aabot sa pito kada 10 Pilipino ang sang-ayon na dapat humarap sa impeachment trial si Vice President Sara Duterte para masagot ang mga alegasyong ibinabato laban sa kaniya, ayon sa resulta ng OCTA Research ‘Tugon ng Masa’ survey.

Batay sa pinakabagong ‘Tugon ng Masa’ survey ng OCTA Research na isinagawa noong Marso 19-25, lumabas na 69 percent ng mga adult Pinoys ang naniniwalang dapat humarap si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial para sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.

Samantala, 28 percent ang hindi sumang-ayon habang three percent ang undecided.

Batay sa resulta ng survey, ang Visayas ang nakapagtala ng pinakamataas na suporta para sa impeachment trial na nasa 83 percent, na sinundan ng National Capital Region (NCR) na may 81 percent at Balance Luzon na nasa 69 na percent.

Samantala, naitala sa Mindanao ang pinakamababang porsyento ng mga sumasang-ayon sa pagharap ng Bise Presidente sa isang impeachment trial na nasa 61 percent.

Ulat ni Jilliane Libunao