Nagpahayag ng paniniwala si Senator JV Ejercito na “huli na” ang pagdedeklara ng gobyerno ni President Ferdinand Marcos Jr. ng state of national energy emergency.

“‘Yung pagdedeklara ng [state of] national emergency… medyo huli na, kasi last month pa nagsimula ‘yung sigalot, eh. Tumaas na lahat ang presyo ng gasolina, lahat ng bilihin.” pahayag ni Ejercito.

Ayon sa senador, “tumaas” na ang presyo ng produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin isang buwan makaraang sumiklab ang giyera sa Middle East.

Si Ejercito ay miyembro ng ad hoc committee na Senate Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) na nag-iimbestiga sa mga ginagawang hakbang ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang maibsan ang epekto ng giyera sa Gitnang Silangan sa mga Pinoy.