Inihayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na kung siya umano ang nasa puwesto ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ay pipiliin niyang pumasok sa trabaho bilang senador dahil wala namang warrant na iniisyu pa laban sa kanya.

“Ang problema kay Senator Bato, wala naman tayong opisyal na warrant of arrest coming from the ICC… it doesn’t make sense to me na nagtatago siya. Hindi naman siya wanted eh, I don’t know. Nasaan ‘yung warrant?” sabi ni Lacson.

Ayon kay Lacson, ipinagtataka niya ang pagtatago umano ni Dela Rosa dahil hindi naman ito “wanted” at ipinunto rin na wala pang opisyal na warrant of arrest galing sa International Criminal Court (ICC), “ano lang, sinasabi niya sa atin na mayroong warrant, pero wala tayo nakikita.”

“Unless, si Senator Bato mismo, nakita niya ‘yung warrant of arrest niya, kaya siya nagtatago. But as far as you, me, or I, are concerned – wala tayong alam na may warrant of arrest eh,” saad ni Lacson sa ginanap na ‘Kapihan sa Senado’ media forum ngayong Miyerkules, Enero 14.

Sinabi niya rin na kung walang malinaw na mayroong darating na arrest warrant laban kay Dela Rosa ay mainam na pumasok na muna ito, “sayang din ‘yung boto niya sa mga bills, sa mga resolutions.”

Ulat ni Jilliane Libunao