Naglabas na ang Court of Appeals (CA) ng freeze order sa assets nina Benguet Rep. Eric Yap, ACT-CIS Party-list Rep. Edvic Yap, at ng Silverwolves Construction Corporation, na umano’y sangkot sa maanomalyang flood control projects sa La Union, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Sakop ng freeze order ang mga account at ari-arian ng Silverwolves Construction Corporation at Sky Yard Aviation Corporation, pati na rin ang mga personal accounts at assets ng mga indibidwal na sangkot sa imbestigasyon—kabilang sina Congressman Eric Yap at Edvic Yap,” saad ni Marcos.

Ayon pa sa pangulo sa isang video appearance noong Martes, Disyembre 9, saklaw ng freeze order ang bank accounts, properties, at air assets ng mga akusado.

Matatandaang noong Oktubre ay itinuro ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla “person of interest” si Rep. Yap sa construction firm na idinawit ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng mga naturang maanomalyang flood control projects sa probinsya.

Personal na nagsampa ng kasong malversion of public funds si DPWH Sec. Vince Dizon laban sa ilang DPWH officials, Silverwolves Construction Corporation, at St. Timothy Corporation.

Iginiit ni Remulla na si Yap ang beneficial owner ng Silverwolves Construction Corporation.

Matatandaang idinawit din si Yap ng dating security consultant ni resigned Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, na nagdala umano ang kongresista ng 46 suitcases na may lamang pera sa isang bahay ni Co sa Pasig City.

Ulat ni Bea Tanierla