Kabilang umano ang pamilya Villar sa mga iimbestigahan ng Office of the Ombudsman kaugnay sa multi-bilyong pisong flood control scam, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla.

Inihayag ni Ombudsman Remulla nitong Martes, Nobyembre 4, na may mga high-profile politicians na mapapanagot dahil sa direktang pag-facilitate o pagbubulag-bulagan sa korapsyon sa flood control at iba pang infrastructure projects sa mga nagdaang taon.

Bubuo umano si Remulla ng bagong task force upang pagtuunan ng pansin ang pamilya Villar at ang business dealings nito, partikular ang river drive at mga flood control project sa Las Piñas, Manila; at Bacoor, Cavite.

Magsasagawa umano ng “complete analysis” ang naturang task force sa river drive project ng mga Villar mula Bacoor hanggang Muntinlupa City na dumaraan sa Las Piñas kung bakit paulit-ulit itong nagkakahalaga ng ilang bilyong piso.

Idinagdag pa ni Remulla na kailangan umano ng mga Villar na makipag-cooperate sa imbestigasyon at hindi lang kung gusto nila.

Samantala, una nang sinabi ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary at ngayo’y Sen. Mark Villar na susuportahan niya ang imbestigasyon sa kanyang pagkasangkot sa maanomalyang flood control projects dahil wala umano siyang itinatago.

Ulat ni Ansherina Baes