Hindi makakadalo si Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez sa nakatakdang pagdinig sa Oktubre 22 ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay sa imbestigasyon sa flood control projects dahil kailangan umanong isailalim ang kongresista sa isang “medical procedure.”
Batay sa inilabas na media advisory ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), isasailalim ang dating House speaker sa isang “medical procedure,” ngunit hindi na idinetalye kung para saan ito o kung ano ang lagay ng kanyang kalusugan.
Una nang itinakda ang pagdinig sa Oktubre 22, ngunit iaanunsiyo na lamang ng komisyon kung kailan itutuloy ang bagong iskedyul.
Matatandaang noong Martes, Oktubre 14, unang humarap si Romualdez sa ICI matapos siyang ipatawag para ipaliwanag ang kanyang nalalaman bilang dating House speaker, kaugnay ng mga national budget insertions at mga iregularidad sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ulat ni Julian Katrina Bartolome
