Itinuturing nang protected witnesses sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP) ang tatlong dating DPWH engineers na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza, kasama ang mag-asawang kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya, ayon kay DOJ Sec. Boying Remulla.

Ayon sa Republic Act No. 6981 o “Witness Protection, Security and Benefit Act,” makakapasok sa Witness Protection Program (WPP) ang isang indibidwal kung sila ay saksi o may impormasyon tungkol sa isang krimen at handang tumestigo sa anumang judicial, quasi-judicial body, o investigating authority.

Maaari ring makapasok sa naturang programa ang mga indibidwal kung ang kanilang testimonya ay magagamit sa isang grave offense sa ilalim ng Revised Penal Code; mapapatunayan ang testimonya sa mga material points; posibleng magkaroon ng banta sa buhay; at hindi isang law enforcement officer.

Nakasaad naman sa Section 10 ng RA 6981 na maituturing na state witness ang isang indibidwal kung sila ay nag-participate sa isang krimen at nais maging testigo para sa bansa.

Maituturing na state witness ang isang indibidwal kung mayroong “absolute need” sa kanilang testimonya; walang ibang direct evidence sa kaso; hindi kabilang sa mga “most guilty”; at hindi pa convicted sa anumang kaso na may kinalaman sa moral turpitude o “good moral values.”

Bukod pa rito, maaari ring maituring na state witness ang isang indibidwal kung ang kanilang testimonya ay magagamit sa isang grave offense sa ilalim ng Revised Penal Code, at kung mapapatunayan ang kanilang testimonya sa mga material points.

Samantala, sinabi ni Remulla ngayong Miyerkules, Setyembre 24, na ang tatlong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at sina Curlee at Sarah Discaya ay itinuturing na protected witnesses at hindi state witnesses dahil marami umanong kailangang aprubahan bago ideklara ang indibidwal bilang state witness.

Ulat ni Ansherina Baes