Mahigit 1,000 silid-aralan na naturn-over ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Department of Education (DepEd) ang nadiskubreng hindi pa talaga kumpleto, ayon kay Education Secretary Sonny Angara.
Sa isang panayam, ibinunyag ni Angara na ito ay matapos magsagawa ang DepEd ng pag-audit sa mga silid-aralang ipinagawa sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa gitna ng isyu ng ‘ghost’ at substandard flood control projects sa bansa.
“We are seeing incomplete (classroom projects). It’s not totally a ‘ghost,’ but the classrooms are not finished… It’s not being used because the classroom is not fully completed,” sabi ni Sec. Angara.
Dagdag ng kalihim, inaalam na ng DepEd kung ang mahigit 1,000 silid-aralan na ito ay nabayaran na nang buo.
Inatasan na rin ni Sec. Angara ang lahat ng kaukulang opisyal sa mga regional at division offices ng ahensya na magsumite ng ulat kaugnay ng mga ‘ghost’ o hindi natapos na school buildings.
Ulat ni Julian Katrina Bartolome
