Naniniwala si Senator Sherwin Gatchalian na maihahalintulad ang “pork barrel” ng Department of Budget and Management (DBM) sa unprogrammed funds sa National Expenditure Program (NEP) at General Appropriations Act (GAA), at malaya umano itong inailalaan ng kagawaran sa mga gastusin na wala sa line items ng budget.

“Hindi natin nakikita ‘to, because wala hong line items. Parang naging pork barrel ho ito ng lumpsums na we need to take a look,” sabi ni Gatchalian, tinukoy ang unprogrammed funds—na tanging DBM ang may kontrol kung paano gagastusin—na inilalaan sa flood control projects ng DPWH.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado ngayong Huwebes, Setyembre 18, inusisa ni Gatchalian kay DBM Usec. Rolando Toledo ang proseso sa paggastos at pagre-reallocate ng unprogrammed funds makaraang matuklasan na may bahagi nito ang inilalaan sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ibinigay na halimbawa ni Gatchalian ang mahigit P807 milyon na unprogrammed appropriations noong 2023 at P731 milyon unprogrammed funds noong 2024 na, pangamba niya, maaaring nagagamit na ng DBM bilang “pork barrel,” kung naia-allocate sa flood control projects ng DPWH.