Kinuwestiyon ni House prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua ang pagpapasya ni Vice President Sara Duterte na sasagutin niya umano ang mga katanungan hinggil sa kanyang confidential funds, na isa sa mga alegasyon na inihain sa Articles of Impeachment laban sa kanya.

“Sana noong committee hearing, pinaliwanag na nila at hindi na humaba nang ganito ‘yung issue tungkol sa confidential fund,” giit ni Chua.

Ito ay matapos sabihin ni VP Sara na sasagutin niya sa kanyang impeachment trial ang mga kuwestiyon ukol sa lumabas na umano’y ‘fictitious names’ sa acknowledgement receipts ng confidential funds.

“Our lawyers are preparing for that trial and collecting pieces of evidence and gathering affidavits from witnesses that they will present during trial,” saad ni VP Sara nitong Miyerkules, Hulyo 9.

Sinabi naman ni Chua na sana ay ginawa ito ng bise presidente noong isinasagawa ang mga committee hearing.

Gayunpaman, “good thing” pa rin umano ito dahil maipapaliwanag na ng nasasakdal ang kuwestiyunableng paggastos niya sa confidential funds, ayon kay Chua.

“Dahil matagal na naman na natin inaantay ‘yung paliwanag nila,” dagdag ng kongresista.

Ulat ni Jilliane Libunao