Naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isa sa 51 co-accused nina dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque at Cassandra Li Ong na inakusahang sangkot sa illegal Philippine offshore gaming operator (POGO) hub na sinalakay ng mga awtoridad sa Porac, Pampanga noong 2024.
Kinilala ni CIDG Director Maj. Gen. Nicolas Torre III ang naarestong suspek bilang alyas “Marlon,” na diumano’y nagsilbing operations officer ng security agency ng Lucky South 99 Outsourcing Inc., isang POGO hub, na diumano’y pugad ng human trafficking operations ng grupo nina Roque at Ong.
Nahaharap si Marlon sa 10 counts of qualified trafficking in persons na inisyu ng Angeles City Regional Trial Court (RTC) Branch 118 na nag-isyu ng arrest warrant laban sa kanya at 50 na iba pa.
“I urge the other 50 co-accused to surrender yourselves to the CIDG and authorities because the Tracker Teams are pursuing you 24/7 and will catch you anytime soon,” babala ni Torre.
Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang paglaya, ayon kay Torre.
