Binuweltahan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro si Vice President Sara Duterte nang sabihin ng huli na posibleng mangyari sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kung sakaling ipagpipilitan nila na maibalik ito sa Pilipinas mula sa detention facility ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague ang sinapit ni dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. noong bumalik siya mula sa America mahigit tatlong dekada na ang nakararaan.

“Saan kukuha ‘yung mga threats? As a matter of fact, hanggang ngayon ‘yung sinasabing threats kay VP Sara hindi pa rin po naipapakita sa NBI at saka sa PNP,” sabi ni Castro.

“Wala pong katotohanan ‘yan,” sabi ni Castro sa ginanap na press conference sa Malacañang ngayong Lunes, Marso 24.

Matatandaan na napatay si Ninoy ng mga sundalo ng Aviation Security Group nang dumating ito sa noo’y Manila International Airport (MIA) mula sa Boston noong Agosto 21,1983.

At dahil sa galit ng mga mamamayan, ito ang naging mitsa ng pag-aalsa ng publiko laban sa rehimen ng noo’y Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr. hanggang siya ay napatalsik sa puwesto sa pamamagitan ng 1986 EDSA People Power Revolution.

“Kailangan po natin kasi ng mga materyales, ng mga ebidensya, bago po magsagawa ng ganitong mga klaseng statements,” dagdag ni Castro.

Aniya, hindi rin dapat ikumpara si Digong kay Ninoy dahil iba ang isyu na bumabalot sa dating senador kumpara sa kasong kriminal na kinahaharap ng dating pangulo, dahilan upang siya ay arestuhin at isalang sa paglilitis sa The Hague, The Netherlands.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *