Sinabi ni Atty. Kristina Conti sa panayam ng DZBB ngayong Lunes, Marso 10 ng umaga, dapat na ipatupad ng administrasyong Marcos ang arrest warrant laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sakaling ito ay hilingin ng International Police Organization (Interpol) dahil ang Pilipinas, aniya, ay miyembro ng organisasyon.

“May kulungan kasi dun para sa mga detainees ng ICC…talagang dun ang detention kasi dun ang hearing,” sabi ni Conti.

“’Yun enforcement ng warrant ay talagang police lang. Kahit hindi member ng ICC, puwedeng mag-enforce ng warrant. Obvious ‘yun,” giit ni Conti.

“Bahagi ito ng due process na ipinagkait ng Duterte administration sa libu-libong namatay sa ‘war on drugs,’” ayon sa abogado.

Bagama’t aminado na wala siyang pinanghahawakang dokumento upang kumpirmahin ang pag-iisyu ng ICC ng arrest warrant laban kay Tatay Digong, sinabi ni Conti na may posibilidad na nailabas na ang mandamiyento de aresto na tanging si Karim Asad Ahman Khan, isang British na tumatayong prosecutor ng ICC, ang makapagkukumpirma sa isyu.

Sinabi pa ni Conti na sakaling maaresto si Tatay Digong ng mga awtoridad ay ididiretso siya sa detention facility ng ICC sa The Hague, The Netherlands.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *