Parehong tumaas ng four points ang performance at trust ratings ni House Speaker Martin Romualdez, base sa second quarter survey ng Pulse Asia na isinapubliko ngayong Miyerkules, Hulyo 17.

Sa latest Pulse Asia survey sa performance rating ni House Speaker Martin Romualdez nitong June 17-24, umangat sa 35 porsiyento ang kanyang approval score nitong Hunyo mula sa 31% noong Marso 2024.

Pinakamalaki ang itinaas ng kanyang performance rating sa Visayas, kung saan ang 33% na nakuha niya noong Marso ay sumirit paitaas sa 59%, o umangat ng 26 points.

Pagdating naman sa trust rating, four points din ang kabuuang iniangat ni Romualdez sa buong bansa; ang 31% na nagtitiwala sa kanyang pamumuno noong Marso ay umakyat sa 35% nitong Hunyo.

Tulad sa performance rating, sa Visayas din nakapagtala ng napakalaking pag-angat ng trust score si Speaker: ang 27% trust rating niya sa rehiyon noong Marso ay pumalo sa 57% noong nakaraang buwan, o may 30 points na pagtaas.